Awit ng isang ina
Sa nota at saliw ng sonatang
Baliko, baliko sa papel
Na gusot at amoy maalinsangang damo
May mga pagsabog sa guwa
Na di intindi ng bibig
Alintana lamang ng matang
Lumuluha
Parang tintang berdeng
Pumapatay sa bawat kindat ng mga ilaw
Maging andap ng sindi sa lamparilya
Sa mesang mababa.
Yapos niya ang anak na kawal
Mapula at lanta
Unti-unting humalimuyak ang alimuom
Namamasa ang sahig
Libong mabibilis na yapak sa kalsada
Libong malalakas na patak sa bubong
Sumisingit sa mga awang
Huminay ang tanging sinag
Malamig na ang laylayan ng saya't
Ginaw na ang hita
Nangungulay kalawang na ang tubig
Habang lumilinis ang balat ng batang akay
Di napatid ang huni't luha
Ng inang inaangat ang brasong may
Mabigat na ulo
Huminto ang maalo't mataas na tinig. Humalik sa pisngi.
Humagkan. At saka pumikit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento